Showing posts with label Love Poem. Show all posts
Showing posts with label Love Poem. Show all posts

Friday, December 20, 2013

(Walang Pamagat)

Paeng Ferrer
20 Dec 2013


Isang hilera ng bagong kotse:
Mustang, Chevrolet, at Porsche.
Ang ingay ng andar nila!

Nawa’y naalala mo pa
ang isang tanghaling dinala kita sa Tagaytay.
Nayamot ka sa windshield kong dilaw
at sa lumagitik na D13B2 kong makina.
Pero nakarating pa rin tayo
at masaya akong minasdan ka sa zip line
habang papalubog ang araw.

Pero parang palaging gabi rito sa garahe.
Naisip ko,
“Matulungin pala ang dilim.
Ikinukubli ang kalawang ko.”

Ang ingay ng andar nila!

Ako ang despalinghadong kotse
na hindi na isinasama sa byahe.

Siguro nga masaya kang sumama sa ibang sasakyan.
Sa 'di kalayuan, mayabang na umarangkada
ang isang bagong kotse sa kalsada.

Hindi ko na kayo narinig.
Naglaho sa dulo ng daan nang gabing iyon. ***

Wednesday, July 17, 2013

"Aktibong Paghahanap”


















Paeng Ferrer
17 July 2013

Nais kitang makita,
gayundin, hinanap mo ako.

Madaling-araw,
mabilis akong tumakbo.
Hinahabol kita.

May binanggit kang kung anong rason
kung bakit mo ako hinanap
pero hindi ako naniwala.
Hindi ko na rin sinabi sa ‘yo.

Pareho nating kinumusta ang  bawat isa.
Sino nga ang naunang sumagot?

Gumising ako
at natagpuan ka
sa ‘di inaasahang lugar
at oras.

Mabilis akong tumakbo
at naabutan ka
doon sa may kurba ng kalsada.

“Ang paghahanap pala
ay aktibong paghihintay,”
sabi ko sa sarili.

Nakita kong wala kang bitbit na kahit ano,
walang bagahe.
Tuwid na tuwid ang tindig natin.
Nag-aabang sa pagsikat ng araw. ***

Thursday, April 25, 2013

Hindi ko Inakala 'Yon


Paeng Ferrer
19 Apr 2013



















Hindi ko inakala 'yon.

'Di lumagos ang ilaw papasok
sa silid sapagkat maitim na asul
at makapal ang kurtina.

Ngayon, hindi na ako ang kasama mo.
Bakit nga ba
hindi ko inakala 'yon?
Hindi ko napaghandaan.

Dumungaw ako sa labas ng bintana.
Tanghaling tapat
at patuloy sa pagkalaykay ng kayle
ang mga manggagawa
ngunit hindi ko naririnig.
Pawang lumang pelikula
na mabagal at walang tunog.

Gumising akong wala ka.
Mabangis ang lungkot
pagkat 'di na ako nasanay.
"Hindi na ito mauulit,"
pangako ko sa sarili.
Huling beses nang malulumbay.

Sa loob ng silid,
kausap ko ang upuan.
Matagal kaming nag-usap.
Matagal din kaming tumahimik.

Matindi ang init.
Wala akong hawak
pero nakakuyom nang mahigpit
ang palad.

Bakit nangangako sa sarili
kung alam kong malabong tuparin?
Paano nakuhang magsinungaling sa sarili?
Bakit 'di nabisto ang sarili
nang sinabing, "ayoko sa 'yo?"

Di pa rin tayo natatapos
magtalo sa mga maliliit na bagay.
Nagtutuos kami ng upuan -
talo ang unang magsalita.

Hanggang inabot kami ng gabi
Umuwi na ang mga manggagawa
pero 'di pa tapos ang kalsada. ***

Wednesday, April 24, 2013

Ipinaalala ka sa Akin ng Ilog


Paeng Ferrer
23 Apr 2013




















Ipinaalala ka sa akin ng ilog
kung saan maligaya kang lumangoy.
Pagpapalaya at pagpapaubaya ang tubig.

Hindi na yata ito mauulit.
Ikaw ang una
pero papalayo na ang oras; 
nagpapaalam.

Dambuhala ang mga bato
at maputi ang mga munting bula
pati may puwersa ang daloy.

Kinausap mo ako
subalit 'di ako sumabat
'pagkat kontento na akong kapiling ka.
Iyon lang ang nais kong sambitin.

Katamtaman ang sikat ng araw
nang umagang iyon
at ako ang ligaw na damo
na ginising ng iyong hamog.

Pinagmasdan tayo ng sariwang hangin.
Sa kabilang ibayo,
natanaw ko ang baryo sa tuktok ng bundok
Sa malayo, may magnobyo, sa malayo...

Lilipas ang perpektong umagang ito
gaya ng natatakdang paglisan mo.

Hinahaplos ko ang ilog
habang dinadamdam ang lamig nito.***

Wednesday, April 17, 2013

Isang Beses, Natagpuan ko ang Sarili


Paeng Ferrer
15 April 2013

I. Isang beses, natagpuan ko ang sarili kong bumibili ng yosi sa kanto kahit gutom at wala pang hapunan.

II. Isang beses, natagpuan ko ang sarili kong nagagalit sa cellphone pagkagising dahil 'di ka nagreply kahit kagabi pa ako nagtext. Putsa, madaling-araw na ngayon! Dapat yata dalawang beses kong ipinadala?

III. Isang beses, natagpuan ko ang sarili kong nalilimutang magbilang habang nagwo-workout. Muntik na akong maipit ng barbell.

IV. Isang beses, natagpuan ko ang sarili ko, habang nagwiwithdraw sa bangko, na iniisip kung anong ireregalo sa kaarawan mo kahit sa susunod na buwan pa 'yon. I-phone kaya? Kaso baka isipin mong binibili kita. Libro? Masyadong seryoso. Pero wide reader ka, 'di ba? Eh flowers at chocolates? Ako na ang sunod sa pila kaya’t tinawag na ako ng kahera. Putsa libro na nga lang!

V. Isang beses Natagpuan ko ang sarili kong pabalik-balik sa mga paborito nating pwesto sa mall at baka sakaling aksidenteng magkita tayo. Noong nilibre kita ng pizza, o nang palambing mong pinalo ang braso ko dahil inasar kita habang nanonood ng sine, at noong tinawag mo akong little brother habang nagkakape.

VI. Isang beses, natagpuan ko ang sarili kong nakakuyom ang palad habang naglalakad sa kalsada. Gusto kong manapak ng mga magnobyo.

VII. Isang beses, natagpuan ko ang sarili kong nakatunganga sa video mo na sikretong kinuhaan ko sa cellphone habang nagkakaraoke ka sa kantang "Sundo" ng Imago. Lalo akong napalukso at nalungkot nang magkasabay sa timbre ng tinig mo. Kung 'di ako nagkakamali, dinedicate mo sa akin ang kantang 'to. Tama ba?

VIII. Isang beses, natagpuan ko ang sarili kong tumatawag ng ambulansya dahil 'di ako makahinga nang makita kitang kasama ang ex- mo. Nagkabalikan kayo, ibinalita mo.

IX. Isang beses, natagpuan ko ang sarili kong nakanganga, naglalaway na parang may tipus, at napapraning.

X. Isang beses, natagpuan ko ang sarili ko, putsa, literal!***

A Monument with no Face and no Eyes


Paeng Ferrer
15 April 2013

"The greatest pretenses are built up not to hide the evil and the ugly in us, but our emptiness. The hardest thing to hide is something that is not there." -Eric Hoffer

I woke up sometime somewhere in a public park's toilet.
In the park, a monument stood with no face and no eyes.

When you left that morning,
I could not hear the question you asked
because a car rowdily drove by.
It made the same shriek I keep hearing now
even when no autos are around.

You showed a distressed expression
but what could I do?
I cannot tell cars to stop.
I cannot tell you to stop.
I am powerless.

Someone handed fliers
and talked about preserving the monument
and tradition? Or was it heritage?
I failed to remember.

It just occurred that I do not care
about the idea of "selling out”
now that it’s merely a positive memory
and to one which I’m unable to return.

Did the heat kill me as the midday arrived?

I learned to treat noises
from cars' engines as music
and smoke from exhausts as breeze.
I learned to consume soil using utensils.
I learned to ignore people talking.

I wandered around in the midday's heat.
Do not worry because I've asked myself,
“Why?” a couple of times
but got zero answer.

I am the monument
with no face and no eyes
but my tears are made of algae.

Perhaps my emptiness is also empty
and it is miserable, as well, to be inside me
because it aspires to escape,
just like you.

How helpless it is to look for
something that disappeared.

We were in a park
staring at a statue with no face and no eyes.

I dropped on the grass
but you remained tall.
I could only stare at your shoes
as you are about leave.***

Friday, August 17, 2012

“Na-gets ko ‘yun boy pickup*”


Nakitadyak ka na ba ng ubod nang lakas
sa kinuyog na kawawang snatcher
para lang ilabas ang galit
nang mabasted?

Napasigaw ka na ba ng Boom!
para lumayas ang katahimikan
dahil dial tone lang ang sumagot
nang winika mong aylabyu?

Boom!

Nakisali ka na ba
sa mga rally para sa environment
kahit amoy basura naman ang kwarto mo
kasi ini-stalk mo si Caileigh
na myembro ng grupong Grimpis?
Boom!

Uminom ka na ba
ng 20 tasa ng kape sa isang araw
pero pakiramdam mo tulog ka pa rin
at walang hanggang binabangungot?
Boom!

Sumayaw ka na ba
ng "Who run the world"
kasi ang saya-saya
ng viral video ni Angelica, Camille, at Melay
at akala mo liligaya ka rin
kapag ginaya mo sila?
"Sino ba'ng niloloko mo?"
tanong mo sa sarili.
Dagling bumaligtad ang ngiti
at nagbuntong-hininga.
Boom!

Nagpakalat-kalat ka na ba
sa SM Fairview kahit alas-10 pa lang ng umaga
at kakabukas pa lang ng gate,
kahit binoboykot mo ang mall
dahil nagputol umano sila ng pine trees sa Baguio,
habang nakikinig ka sa kantang "esem" ni Dong Abay
at iniisip mo kung anong banda siya galing,
Yano ba o Pan,
sa i-pod mong gusto mong ipamigay
dahil lalo mo lang naaalala si Caileigh
na nagturo sa iyong mag-gitara,
at nanood ng love story
para manatiling kumakapit sa paniniwala
sa kadakilaan ng pag-ibig
ni Derek Ramsey at Anne Curtis?

Saka mo sinabi nang malakas
dahil naka-earphone ka,
"Sana pine tree na lang ako
para 'di na naiinlab.
Masakit sa puso eh.
Boom!" ***

____________________
* Ang pamagat ay mula sa Bubble Gang

Sinubukan ko lang gayahin ang tunog nila Bob Ong at Eros S. Atalia. Kung hindi epektibo, okay lang. Experiment lang naman, 'di ba? :-)

Thursday, April 21, 2011

Mga Byaheng Hindi Panturista



Paeng Ferrer
21 Apr 2011


Nag-eempake ka
papunta sa isang akademikong kumperensya
nang tinanong mo ako,
"naalala mo ba ang mga Aeta sa Zambales?”,

Isang linggo ka roon
habang nananatili akong nagsusulat
ng sanaysay tungkol sa mga bagong teorya
at tungkol sa pagtamlay.

Natandaan mo ba ang ulam
nilang pinaghalong sardinas at mami?
Isinilid mo ang lumang laptop sa bagahe
na waring hinapo sa rami ng nilakbay.

Sari-sari ang mga byahe natin.
Mayroong sa mga magsasaka sa Nueva Ecija
na walang tubig at kuryente;
sa mga natabunan ng trahedya sa Leyte;
o kaya’y sa mga naipit ng gyera sa Pikit?

May mapa ng Pilipinas sa pader natin
at may marka ang mga lugar panturista
pero ang parati nating nararating
ay masasabi rin namang kilalang lugar
dahil sa pinsala, kahirapan, at kaapihan.

Mistulang nag-aapoy ang dagat
sa paligid ng mapa.
Maya-maya’y nanlata rin ang apoy.

Saglit akong tumigil
upang isipin ang susunod na talata.
Pula ang dapithapon sa labas ng bintana.
Tulad ng una nating pagtatagpo
sa unibersidad.
Matapang kong inilalantad ang imperyalismo
at aktibo ka naman sa teatro noon.

Minsa’y gusto rin nating magbakasyon
at tumigil nang isang linggo
para patahanin ang loob.
Pero kadalasa’y ang nagpapahumpay ng kaluluwa
ay ang pakikipaglaban
para sa mga kubling pook.

Pumanglaw ang papawirin sa labas.
Itinabi ko ang kwaderno’t bolpen.
Nagpaalam ka para sa muling paglalakbay.
Sa paglabas mo ng pinto,
anino mo ang mapa ng Pilipinas
pero hindi ito nagliliyab tulad noon.

Paanong ang kay liit na bansa
ay nagtataglay ng kay laking dusa?

Maaapula pa ba natin ang sunog?
O ililikas na lamang ang taumbayan?
Minsa’y nais ko nang ibaba ang mapa
at palitan ng ibang lugar. ***

Saturday, September 12, 2009

untitled: Cut up Poem

A Cut up Poem is a piece written using selected words. These words are chosen from a newspaper article. The author browses or scans a news item. He/she encircles terms that strike him/her. Finally, he/she composes a poem using the gathered words.

Usually, writers sound the same when their various outputs are compared. Authors utilize this writing exercise for them to step out of their "writing boxes". It allows them to think of words and phrases they wouldn't normally come up with.


untitled: Cut up Poem

Paeng Ferrer

12 Sept. 09


My closest friend,
we reside in tribes
that are similar,
but mostly different.
The unemployed is my tribe.
I am unreached
from these brutal treks
and broken bridges.
You are the nation's hero.
Your trite monument remains
proud through weathers.

But sometimes we switch.
I am the hero and you are the unwaged.
The knots in my varicose veins
are like your exhausted schedule
that alienates me.

Then, we switch again.
Your weary stance remains.
I merely stare and think,
knowing that I think too much
which, most of the time,
amounts to no more than a void.
I feel humiliated for a little while.

Still, I know you are genuine.
Oh, how your compassion
is breaking my suffering.#

Three Second Addiction: Cut up Poem

Paeng Ferrer
12 Sept. 09

Like reruns of a slideshow,
I memorize your imperfect crevices,
smiles, and beauties.
Tell me, best as you can,
give the order & I will never stop.
Your syllables make me alert
for three seconds.
I'm addicted, yes,... I realize.
What, then, is the corresponding sequence?
I delight another three seconds.
I delight another three seconds.
Online memories
and memory-based psychologies
of intimacy and limerence.
I delight another three seconds.#

Monday, August 24, 2009

Para sa Isang Kalakbay

Paeng Ferrer
(21 Aug 09)

Umaatras ang aking lakas ng loob
tuwing 'di ka mahagilap.
Tulad ng lagusang 'di nauubos.
Saan na nga ba ako tutungo?

Nananamlay ang mga binti ko
at bumubulagta ako sa sulok
upang magpahinga.
Nasasaid na ang baong tubig
at kumukurap ang munting sulo.
Napapagal din pala ang ilaw.

Totoo nga ba ang naririnig

na mga halakhak sa labas?
Nawa'y 'di guni-guni't bangungot.

Ginigising ako ng realidad

sa kweba. Mga ahas, gagamba,
paniki, daga, at alupihan.

Tiyak nga ba ang distansya?

Kinukwenta at sinusukat?
Malapit ka kung malapit
at malayo kung malayo?
O anong layo mo ngayon.

Kay sayang pangarap ang paglaya!

Pinakikinggan natin ang ingay
at galak ng mga tao sa labas.

Isa kang hamog dito sa kuweba.

Nagpapatunay sa halaga ng pag-asa
ang pagdampi mo sa mga uhaw kong labi.

Siguro'y mahaba pa ang lagusan

subalit nararamdaman ko
na matagal pa ang kakayahan kong kumilos,
sumulong, lumaban.

Ikaw ang aking tagapagligtas.

Oo,... ikaw ang aking salbasyon. #

Friday, July 17, 2009

Bagyong Miyerkules at Huwebes

Paeng Ferrer
17 July 2009

Saka ko lang ito nasaksihan,
buong puwersa itong ulan ngayon.
Matuling aapaw ang tubigan,
ngitngit, pangkal ang tangi kong tugon.
Matiwasay ang upuang marmol
at lamesa sa katabing hardin.
Ngunit sa malayo’y tumututol,
umaalpas, plano'y mabibitin.
Dagling dadalaw sa 'kin ang galak,
utos ay umatras sa ‘yong tabi.
Gumigising ang mga bulaklak
sa inam ng ating munting moog.
Itigil ang pag-aatubili,
saglit ang opisina kung tulog. #

Thursday, April 23, 2009

untitled





















2:05am, 11 Disyembre 2007

Aking ikinalulungkot na ang buhay ay 'di isang alipin.
Ako ma'y maging pinuno ng tao ngunit 'di ng panahon.
Lupa ma'y aking trabahador, ang pagkakatao'y hindi.
Akin mang masdan ang bitui'y ako'y 'di nila lilingain.

Pinuputol ng hangin ang mga alambre sa payong ko
at iniuutos ng ulap na mababad ako sa ulan.
Sa aking harap ay landas na libu-libo ang tumambad.
May eroplanong sumisigaw - aking tahana'y may kalayuan. ***