Wednesday, April 17, 2013

Isang Beses, Natagpuan ko ang Sarili


Paeng Ferrer
15 April 2013

I. Isang beses, natagpuan ko ang sarili kong bumibili ng yosi sa kanto kahit gutom at wala pang hapunan.

II. Isang beses, natagpuan ko ang sarili kong nagagalit sa cellphone pagkagising dahil 'di ka nagreply kahit kagabi pa ako nagtext. Putsa, madaling-araw na ngayon! Dapat yata dalawang beses kong ipinadala?

III. Isang beses, natagpuan ko ang sarili kong nalilimutang magbilang habang nagwo-workout. Muntik na akong maipit ng barbell.

IV. Isang beses, natagpuan ko ang sarili ko, habang nagwiwithdraw sa bangko, na iniisip kung anong ireregalo sa kaarawan mo kahit sa susunod na buwan pa 'yon. I-phone kaya? Kaso baka isipin mong binibili kita. Libro? Masyadong seryoso. Pero wide reader ka, 'di ba? Eh flowers at chocolates? Ako na ang sunod sa pila kaya’t tinawag na ako ng kahera. Putsa libro na nga lang!

V. Isang beses Natagpuan ko ang sarili kong pabalik-balik sa mga paborito nating pwesto sa mall at baka sakaling aksidenteng magkita tayo. Noong nilibre kita ng pizza, o nang palambing mong pinalo ang braso ko dahil inasar kita habang nanonood ng sine, at noong tinawag mo akong little brother habang nagkakape.

VI. Isang beses, natagpuan ko ang sarili kong nakakuyom ang palad habang naglalakad sa kalsada. Gusto kong manapak ng mga magnobyo.

VII. Isang beses, natagpuan ko ang sarili kong nakatunganga sa video mo na sikretong kinuhaan ko sa cellphone habang nagkakaraoke ka sa kantang "Sundo" ng Imago. Lalo akong napalukso at nalungkot nang magkasabay sa timbre ng tinig mo. Kung 'di ako nagkakamali, dinedicate mo sa akin ang kantang 'to. Tama ba?

VIII. Isang beses, natagpuan ko ang sarili kong tumatawag ng ambulansya dahil 'di ako makahinga nang makita kitang kasama ang ex- mo. Nagkabalikan kayo, ibinalita mo.

IX. Isang beses, natagpuan ko ang sarili kong nakanganga, naglalaway na parang may tipus, at napapraning.

X. Isang beses, natagpuan ko ang sarili ko, putsa, literal!***

2 comments:

  1. Putsa. Nakakamiss magsulat. Haha. I haven't done that in a while and napapa-English me. Hamishyooo. Hahaha. Buti ka pa natagpuan mo sarili mo. Ako kinakapa ko pa lang. So far, ang nakapa ko, taba at pimples. :)

    - Ruth

    ReplyDelete
  2. Ruth, sulat-sulat din pag may time. Haha. Anyway, di ko naman sobrang natagpuan ang kabuuan ng sarili ko. May mga bagay lang na nag-make sense ngayong tumatanda na ako. Halimbawa, iniisip ko dati kung bakit ako nagsusulat gayong psychology, at hindi creative writing, naman talaga ang gusto ko. Pero itinuloy ko pa rin ang pagsusulat dahil naeenjoy ko. Ngayon, nagagamit ko ang pagsusulat at ang writing workshop para i-draw out ang thoughts at damdamin ng mga taong nagpapa-counseling. Writing finally made sense! O di ba bongga! Miss you too! :-)

    ReplyDelete