Tuesday, April 9, 2013

Ang Demonyo


09 Apr 2013
Paeng Ferrer

          Demonyo. Tigil. Hinatak niya ang lumalagablab na labi ko. Isang bomba. Pumipilantik. Lumulobo. Demonyo ko siyang itinuturing. Pare, sinasabi ko sa inyo, nagsasabi ako ng totoo.

          Isang demonyo! Hinila niya ang lubid na nakapulupot sa liig ko. Naroon kami sa may lumang bulwagan. Isang gabing pinili kong matira sa edipisyo sa ‘di ko alam na dahilan. Pinili kong mag-isa dahil mas kumportable.

  Isang magandang dilag! Pare, inakit ako ng karnal niyang kagandahan. Nakabibihag. Nakapangririmarim.

  Bumagsak ang mga dala kong gamit. Kumalansing. Dagli akong tumakbo.

  Matangkad siya, may hubog, at kulot ang mahabang buhok. Pero, sinasabi ko sa inyo, nagsasabi ako ng totoo, ang mga mata niya, nagpapahiwatig ang mga mata niya. Halimuyak ng rosas.

  Bumigay ang mga tuhod ko. Kinitil niya ang buhay ko. Ako ang liwanag na ginapi ng dilim.

  Demonyo siya. Sinasabi ko sa inyo, nagsasabi ako ng totoo.

  Naulinigan ko ang karwaheng dumaan sa labas ng edipisyo. “Saklolo!” gusto kong humiyaw. Pero dinaga ang mga labi ko. Hinila ng demonyo. Hinigpitan niya ang taling sumasakal sa akin.

  Ika-3 ng madaling araw. Marupok ang dilim. Parang pinupunit ng dilag. Ako ang liwanag na ginapi ng dilim.

  Hinalay ako ng demonyo. Sinagpang niya ang dignidad ko. Ninakaw ang katinuan ng diwa. Durug na durog. Kinatay niya ako. Pinatay niya ako.

  “Ninais mo rin naman,” pangungutya niya pagkatapos. Humalakhak siyang parang nagtagumpay siya.

  Hahayaan ko ba siyang magwagi? Makaliligtas ba ako nang isa pang gabi?

  Mag-isa ako noon. Kapiling ang demonyo.***

2 comments:

  1. Sa Balinese culture, may recognition ng existence ng Demonyo. Sa akin tuloy, mas gusto ko na wag nang magpanic kung may occasional 'evil lies' na bumabagabag. Wala na ring 'self-hate, na tipong kasalanan ko kung bakit ako dinadalaw ng demonyo. Mas pipiliin ko na lang maging kalmado, magsasawa rin naman siya sa akin at hindi magtatagal ay darating ang redemption. Magulo ba? hayaan mo na. haha.

    ReplyDelete
  2. Fragmentation naman ang tawag diyan sa postmodern psychology. Nirerecognize mo na maaaring mabuti ka sa isang panahon pero masama ka sa iba. Nageexist ang pareho sa iisang tao. Kasi kapag hindi mo inacknowledge yun, hindi tataas ang awareness mo. At maaari ka ring mapunit ng pagtatalo ng dalawa. Salamat sa comment, Baleng! :-)

    ReplyDelete