Wednesday, April 10, 2013

Liham sa Aking Estudyante


08 Apr 2013
Paeng Ferrer



















Kapag 'di ka dinadalaw ng mga salita,
dalawin mo ako sa klase
o sa opisina sa unibersidad.

Sa edad kong ito,
ako ang lumang lapis na tinatasahan; 
tumatalas pero paubos na.

Pero ikaw... ikaw ang una!

Ipagpaumanhin mo kung minsan
o kung palagi akong batugan
kahit sumisigaw na ang batingaw sa klase.
Ginagawa ko 'yon para sa akin;
hindi para sa 'yo.

Patawad din kung madalas marami akong kalokohan.
Ginagawa ko naman ‘yon para sa 'yo;
hindi para sa akin
'pagkat ayokong pamarisan mo ako noon
na nasobrahan sa pag-iisip tungkol sa buhay
at hindi napupuna mismo ang buhay.

Tanghali at nakapagpapaantok ang klase
pero ikaw ang umpisa ng umaga.
Puno ka ng kaluluwa.

Sabi mo nga,
nang masilayan ang luma kong litrato,
na mistulang masaya ako noon.
“May kulang ba?” tapat mong tanong.

Inisip ko na inosente ka nga.
May ipababasa sana akong libro
na sasagot sa iyong,
"maiintindihan mo 'pag tanda mo."
Pero siguro hindi ko rin alam
kung  bakit maraming kulang
at maraming nilaktawan kaming matatanda.

Pero salamat at sinabi mo rin
na magaling ako.
Marahil ang 'di mo pa nauunawaan
ay tulad mo rin ako noon
na pumipili ng impluwensya
at umiibig sa isang semestre.
Malaki ang pagkakataong maging
tulad ko rin ikaw ngayon.

Gusto kong sabihing kaya mo akong higitan
pero ayaw kitang pangunahan
o manduhan kung paano
na parang trabaho lang ang lahat.

Kinuha ko ang tisa at may iginuhit sa pisara
tungkol sa isang mahalagang aralin.

Dito sa mga liksyon ka nalulugod.
Maligaya ka kapag pinag-uusapan natin
ang mga bagong balangkas at mga bagong teorya.
Parang pinatitibay ang mga plano mo sa buhay.
Malaya at mataas ang potensyal mo.
Ikaw ang hari ng panahon.

Darating ang sandaling tatalikdan mo ang mga turo ko
o maski ako’y mawala sa alaala
pero pakiusap ko:
ialay mo rin sa iba ang ipinamana ko. 

Ikaw naman ang dinadalaw ng mga mag-aaral
kapag 'di sila dinadalaw ng mga salita.

Tumutunog na ang batingaw –
humuhudyat ng pagwawakas
at ng pagsisimula. ***

No comments:

Post a Comment