Showing posts with label Pinoy. Show all posts
Showing posts with label Pinoy. Show all posts
Wednesday, April 24, 2013
Ipinaalala ka sa Akin ng Ilog
Paeng Ferrer
23 Apr 2013
Ipinaalala ka sa akin ng ilog
kung saan maligaya kang lumangoy.
Pagpapalaya at pagpapaubaya ang tubig.
Hindi na yata ito mauulit.
Ikaw ang una
pero papalayo na ang oras;
nagpapaalam.
Dambuhala ang mga bato
at maputi ang mga munting bula
pati may puwersa ang daloy.
Kinausap mo ako
subalit 'di ako sumabat
'pagkat kontento na akong kapiling ka.
Iyon lang ang nais kong sambitin.
Katamtaman ang sikat ng araw
nang umagang iyon
at ako ang ligaw na damo
na ginising ng iyong hamog.
Pinagmasdan tayo ng sariwang hangin.
Sa kabilang ibayo,
natanaw ko ang baryo sa tuktok ng bundok
Sa malayo, may magnobyo, sa malayo...
Lilipas ang perpektong umagang ito
gaya ng natatakdang paglisan mo.
Hinahaplos ko ang ilog
habang dinadamdam ang lamig nito.***
Wednesday, April 10, 2013
Liham sa Aking Estudyante
08 Apr 2013
Paeng Ferrer
Kapag 'di ka dinadalaw ng mga salita,
dalawin mo ako sa klase
o sa opisina sa unibersidad.
Sa edad kong ito,
ako ang lumang lapis na tinatasahan;
tumatalas pero paubos na.
Pero ikaw... ikaw ang una!
Ipagpaumanhin mo kung minsan
o kung palagi akong batugan
kahit sumisigaw na ang batingaw sa klase.
Ginagawa ko 'yon para sa akin;
hindi para sa 'yo.
Patawad din kung madalas marami akong kalokohan.
Ginagawa ko naman ‘yon para sa 'yo;
hindi para sa akin
'pagkat ayokong pamarisan mo ako noon
na nasobrahan sa pag-iisip tungkol sa buhay
at hindi napupuna mismo ang buhay.
Tanghali at nakapagpapaantok ang klase
pero ikaw ang umpisa ng umaga.
Puno ka ng kaluluwa.
Sabi mo nga,
nang masilayan ang luma kong litrato,
na mistulang masaya ako noon.
“May kulang ba?” tapat mong tanong.
Inisip ko na inosente ka nga.
May ipababasa sana akong libro
na sasagot sa iyong,
"maiintindihan mo 'pag tanda mo."
Pero siguro hindi ko rin alam
kung bakit maraming kulang
at maraming nilaktawan kaming matatanda.
Pero salamat at sinabi mo rin
na magaling ako.
Marahil ang 'di mo pa nauunawaan
ay tulad mo rin ako noon
na pumipili ng impluwensya
at umiibig sa isang semestre.
Malaki ang pagkakataong maging
tulad ko rin ikaw ngayon.
Gusto kong sabihing kaya mo akong higitan
pero ayaw kitang pangunahan
o manduhan kung paano
na parang trabaho lang ang lahat.
Kinuha ko ang tisa at may iginuhit sa pisara
tungkol sa isang mahalagang aralin.
Dito sa mga liksyon ka nalulugod.
Maligaya ka kapag pinag-uusapan natin
ang mga bagong balangkas at mga bagong teorya.
Parang pinatitibay ang mga plano mo sa buhay.
Malaya at mataas ang potensyal mo.
Ikaw ang hari ng panahon.
Darating ang sandaling tatalikdan mo ang mga turo ko
o maski ako’y mawala sa alaala
pero pakiusap ko:
ialay mo rin sa iba ang ipinamana ko.
Ikaw naman ang dinadalaw ng mga mag-aaral
kapag 'di sila dinadalaw ng mga salita.
Tumutunog na ang batingaw –
humuhudyat ng pagwawakas
at ng pagsisimula. ***
Labels:
CHE,
Creative Writing,
Education,
Filipino Poem,
Free verse,
Frustrated Pinoy Poet,
HFDS,
Legacy,
Life,
Life Goals,
Liham sa Aking Estudyante,
Mentoring,
Pedagogy,
Pinoy,
Tula,
UPLB
Saturday, November 10, 2012
Ligalig
May patay na hipon
na nakatiwangwang sa aspalto.
Bumagsak kaya ito galing
sa huli ng hamak na mangingisda?
Maputla at nilalanggam.
Kanina pa may bumabagabag
na tanong sa akin,
"Anong oras darating ang sundo namin?"
Dalawampung minuto ang wika n'ya
ngunit isang oras na ang nakalipas.
Bakit kumikintab ang dagat
na parang bagong hasang itak?
May natatanaw akong balsa sa malayo
o baka iyo’y isang bangkay na nalunod.
Gaano ba kalayo ang islang
kinaroroonan ko?
Sa pagkakaalala ko
dalawang oras na maneho
at 30 minutong sagwan
hanggang dito.
Maitim ba ang langit dahil gabi
o may nagbabantang bagyo?
Inisip ko, mabuti at may kakwentuhan ako.
Sila nga ba'y dalawang guro,
dalawang syentista, at tatlong pulitiko?
Nasa loob kami ng isang silid
dito sa gitna ng pampang.
Sandali, saan siya nagmula?
Ang madreng nakaitim
na talukbong ang tinutukoy ko
sa kulay abong buhangin?
Karaka'y lumuhod at dinasalan
ng Latin ang dagat
na mistulang nitso sa sementeryo.
Pagdaka'y tumitig sa akin.
Ngunit bakit tumagos ang tingin niya?
Pawang 'di niya ako nakita?
Nagkulay dugo ang anino ko.
Sa kabilang gilid ng pampang,
narinig ko ang ungol
ng musang sa kakahuyan.
Marahil nagmamasid at nag-aabang
sa likod ng kawayan
para sa pagkakataong
sagpangin ako.
Anong oras darating ang sundo namin?
Isang oras at kalahati na ang lumipas.
Madilim na ang dagat.
Kailan makukumpleto ang putol
na tulay patawid sa ibayo?
Sabi nila, "May mga buwayang
nag-aabang sa gilid kung bumaha."
Kasama nila ang engkanto ng putik
na mahilig paglaruan ang dayuhan.
Kahit ilang barya ang ihulog,
putol din ang mga linya
ng telepono rito.
Bakit kung kailan walang trabaho
ay sarado ang establisyamento sa pulo?
Ayaw bang kumita ng pera ng lokal?
Bakit nakatarangka ang pinto
gayong pakiramdam ko'y may tao sa loob?
Nasusuklam ba sila sa amin?
Sabado nga ba ngayon? O Myerkules?
Bakit hindi ko matandaan?
Bakit hindi ko matandaan
ang mahigpit na habilin
ng sundo namin,
"Wala nang balsa paalis ng isla
'pag lipas ng ika-5."
O ika-6?
Kung walang balsa,
sa isla magpalipas ng magdamag.
Ang pinakanakapangririmarim
ay ang pakiramdam
na wala akong magawa
kundi magmatyag at magtago
sa likod ng dambuhalang bato.
Ano'ng iwinika noong madre?
Paano binuhat ng langgam
ang patay na sugpo?
Bakit hindi ko matandaan
ang pangalan ng mga kasama ko?
Hindi ko rin maalala kung nasaan sila.
Mag-isa lang ba ako?
Anong oras darating ang sundo ko?
Dalawang oras na ang nakalipas.
Nagsimula nang umambon.
Palakas nang palakas.
May balsa pa kaya paalis ng isla? ***
- Paeng Ferrer
Pulau Aman Penang, Malaysia
Labels:
Creative Writing,
Dagat,
Death,
Engkanto,
Existential,
Filipino Poem,
Free verse,
Frustrated Pinoy Poet,
Horror,
Katatakutan,
Ligalig,
Makata,
Malaysia,
Paeng Ferrer,
Pinoy,
Pulau Aman Penang,
Sea,
Tagalog,
Tula
Subscribe to:
Posts (Atom)
