Showing posts with label Tagalog. Show all posts
Showing posts with label Tagalog. Show all posts

Friday, December 20, 2013

(Walang Pamagat)

Paeng Ferrer
20 Dec 2013


Isang hilera ng bagong kotse:
Mustang, Chevrolet, at Porsche.
Ang ingay ng andar nila!

Nawa’y naalala mo pa
ang isang tanghaling dinala kita sa Tagaytay.
Nayamot ka sa windshield kong dilaw
at sa lumagitik na D13B2 kong makina.
Pero nakarating pa rin tayo
at masaya akong minasdan ka sa zip line
habang papalubog ang araw.

Pero parang palaging gabi rito sa garahe.
Naisip ko,
“Matulungin pala ang dilim.
Ikinukubli ang kalawang ko.”

Ang ingay ng andar nila!

Ako ang despalinghadong kotse
na hindi na isinasama sa byahe.

Siguro nga masaya kang sumama sa ibang sasakyan.
Sa 'di kalayuan, mayabang na umarangkada
ang isang bagong kotse sa kalsada.

Hindi ko na kayo narinig.
Naglaho sa dulo ng daan nang gabing iyon. ***

Wednesday, July 17, 2013

"Aktibong Paghahanap”


















Paeng Ferrer
17 July 2013

Nais kitang makita,
gayundin, hinanap mo ako.

Madaling-araw,
mabilis akong tumakbo.
Hinahabol kita.

May binanggit kang kung anong rason
kung bakit mo ako hinanap
pero hindi ako naniwala.
Hindi ko na rin sinabi sa ‘yo.

Pareho nating kinumusta ang  bawat isa.
Sino nga ang naunang sumagot?

Gumising ako
at natagpuan ka
sa ‘di inaasahang lugar
at oras.

Mabilis akong tumakbo
at naabutan ka
doon sa may kurba ng kalsada.

“Ang paghahanap pala
ay aktibong paghihintay,”
sabi ko sa sarili.

Nakita kong wala kang bitbit na kahit ano,
walang bagahe.
Tuwid na tuwid ang tindig natin.
Nag-aabang sa pagsikat ng araw. ***

Wednesday, April 24, 2013

Ipinaalala ka sa Akin ng Ilog


Paeng Ferrer
23 Apr 2013




















Ipinaalala ka sa akin ng ilog
kung saan maligaya kang lumangoy.
Pagpapalaya at pagpapaubaya ang tubig.

Hindi na yata ito mauulit.
Ikaw ang una
pero papalayo na ang oras; 
nagpapaalam.

Dambuhala ang mga bato
at maputi ang mga munting bula
pati may puwersa ang daloy.

Kinausap mo ako
subalit 'di ako sumabat
'pagkat kontento na akong kapiling ka.
Iyon lang ang nais kong sambitin.

Katamtaman ang sikat ng araw
nang umagang iyon
at ako ang ligaw na damo
na ginising ng iyong hamog.

Pinagmasdan tayo ng sariwang hangin.
Sa kabilang ibayo,
natanaw ko ang baryo sa tuktok ng bundok
Sa malayo, may magnobyo, sa malayo...

Lilipas ang perpektong umagang ito
gaya ng natatakdang paglisan mo.

Hinahaplos ko ang ilog
habang dinadamdam ang lamig nito.***

Tuesday, April 9, 2013

Ang Demonyo


09 Apr 2013
Paeng Ferrer

          Demonyo. Tigil. Hinatak niya ang lumalagablab na labi ko. Isang bomba. Pumipilantik. Lumulobo. Demonyo ko siyang itinuturing. Pare, sinasabi ko sa inyo, nagsasabi ako ng totoo.

          Isang demonyo! Hinila niya ang lubid na nakapulupot sa liig ko. Naroon kami sa may lumang bulwagan. Isang gabing pinili kong matira sa edipisyo sa ‘di ko alam na dahilan. Pinili kong mag-isa dahil mas kumportable.

  Isang magandang dilag! Pare, inakit ako ng karnal niyang kagandahan. Nakabibihag. Nakapangririmarim.

  Bumagsak ang mga dala kong gamit. Kumalansing. Dagli akong tumakbo.

  Matangkad siya, may hubog, at kulot ang mahabang buhok. Pero, sinasabi ko sa inyo, nagsasabi ako ng totoo, ang mga mata niya, nagpapahiwatig ang mga mata niya. Halimuyak ng rosas.

  Bumigay ang mga tuhod ko. Kinitil niya ang buhay ko. Ako ang liwanag na ginapi ng dilim.

  Demonyo siya. Sinasabi ko sa inyo, nagsasabi ako ng totoo.

  Naulinigan ko ang karwaheng dumaan sa labas ng edipisyo. “Saklolo!” gusto kong humiyaw. Pero dinaga ang mga labi ko. Hinila ng demonyo. Hinigpitan niya ang taling sumasakal sa akin.

  Ika-3 ng madaling araw. Marupok ang dilim. Parang pinupunit ng dilag. Ako ang liwanag na ginapi ng dilim.

  Hinalay ako ng demonyo. Sinagpang niya ang dignidad ko. Ninakaw ang katinuan ng diwa. Durug na durog. Kinatay niya ako. Pinatay niya ako.

  “Ninais mo rin naman,” pangungutya niya pagkatapos. Humalakhak siyang parang nagtagumpay siya.

  Hahayaan ko ba siyang magwagi? Makaliligtas ba ako nang isa pang gabi?

  Mag-isa ako noon. Kapiling ang demonyo.***

Saturday, November 10, 2012

Ligalig




















May patay na hipon
na nakatiwangwang sa aspalto.
Bumagsak kaya ito galing
sa huli ng hamak na mangingisda?
Maputla at nilalanggam.

Kanina pa may bumabagabag
na tanong sa akin,
"Anong oras darating ang sundo namin?"
Dalawampung minuto ang wika n'ya
ngunit isang oras na ang nakalipas.

Bakit kumikintab ang dagat
na parang bagong hasang itak?
May natatanaw akong balsa sa malayo
o baka iyo’y isang bangkay na nalunod.

Gaano ba kalayo ang islang
kinaroroonan ko?
Sa pagkakaalala ko
dalawang oras na maneho
at 30 minutong sagwan
hanggang dito.

Maitim ba ang langit dahil gabi
o may nagbabantang bagyo?

Inisip ko, mabuti at may kakwentuhan ako.
Sila nga ba'y dalawang guro,
dalawang syentista, at tatlong pulitiko?
Nasa loob kami ng isang silid
dito sa gitna ng pampang.

Sandali, saan siya nagmula?
Ang madreng nakaitim
na talukbong ang tinutukoy ko
sa kulay abong buhangin?
Karaka'y lumuhod at dinasalan
ng Latin ang dagat
na mistulang nitso sa sementeryo.
Pagdaka'y tumitig sa akin.
Ngunit bakit tumagos ang tingin niya?
Pawang 'di niya ako nakita?
Nagkulay dugo ang anino ko.

Sa kabilang gilid ng pampang,
narinig ko ang ungol
ng musang sa kakahuyan.
Marahil nagmamasid at nag-aabang
sa likod ng kawayan
para sa pagkakataong
sagpangin ako.

Anong oras darating ang sundo namin?
Isang oras at kalahati na ang lumipas.
Madilim na ang dagat.

Kailan makukumpleto ang putol
na tulay patawid sa ibayo?
Sabi nila, "May mga buwayang
nag-aabang sa gilid kung bumaha."
Kasama nila ang engkanto ng putik
na mahilig paglaruan ang dayuhan.
Kahit ilang barya ang ihulog,
putol din ang mga linya
ng telepono rito.

Bakit kung kailan walang trabaho
ay sarado ang establisyamento sa pulo?
Ayaw bang kumita ng pera ng lokal?
Bakit nakatarangka ang pinto
gayong pakiramdam ko'y may tao sa loob?
Nasusuklam ba sila sa amin?
Sabado nga ba ngayon? O Myerkules?

Bakit hindi ko matandaan?

Bakit hindi ko matandaan
ang mahigpit na habilin
ng sundo namin,
"Wala nang balsa paalis ng isla
'pag lipas ng ika-5."

O ika-6?
Kung walang balsa,
sa isla magpalipas ng magdamag.

Ang pinakanakapangririmarim
ay ang pakiramdam
na wala akong magawa
kundi magmatyag at magtago
sa likod ng dambuhalang bato.
Ano'ng iwinika noong madre?

Paano binuhat ng langgam
ang patay na sugpo?

Bakit hindi ko matandaan
ang pangalan ng mga kasama ko?
Hindi ko rin maalala kung nasaan sila.

Mag-isa lang ba ako?

Anong oras darating ang sundo ko?
Dalawang oras na ang nakalipas.
Nagsimula nang umambon.
Palakas nang palakas.
May balsa pa kaya paalis ng isla? ***

                                        - Paeng Ferrer
                                          Pulau Aman Penang, Malaysia

Sunday, September 2, 2012

Thesis Proposal


Sumulat ako ng tula noong nakaraang semestre. Habang gumagawa ng thesis proposal. Bangag ako nun. Hanggang ngayon gumagawa pa rin ako ng thesis proposal. Para ito sa mga nagti-THESIS.

"Thesis Proposal"
ni Paeng Ferrer
March 8, 2012

Gusto ko sanang sumulat ng tula
at ito ang una, huli, at tanging linya:
"Tambak na'ng hugasan sa lababo
maski 'di pa hapunan."

_____________________________
Maiksi at nakakatawa sana ang gusto kong emosyong lumabas. Kumbaga parang joke na may punchline. O kaya parang isang stanza sa blues. Pero parang malungkot yata ang lumitaw.

Friday, August 17, 2012

“Na-gets ko ‘yun boy pickup*”


Nakitadyak ka na ba ng ubod nang lakas
sa kinuyog na kawawang snatcher
para lang ilabas ang galit
nang mabasted?

Napasigaw ka na ba ng Boom!
para lumayas ang katahimikan
dahil dial tone lang ang sumagot
nang winika mong aylabyu?

Boom!

Nakisali ka na ba
sa mga rally para sa environment
kahit amoy basura naman ang kwarto mo
kasi ini-stalk mo si Caileigh
na myembro ng grupong Grimpis?
Boom!

Uminom ka na ba
ng 20 tasa ng kape sa isang araw
pero pakiramdam mo tulog ka pa rin
at walang hanggang binabangungot?
Boom!

Sumayaw ka na ba
ng "Who run the world"
kasi ang saya-saya
ng viral video ni Angelica, Camille, at Melay
at akala mo liligaya ka rin
kapag ginaya mo sila?
"Sino ba'ng niloloko mo?"
tanong mo sa sarili.
Dagling bumaligtad ang ngiti
at nagbuntong-hininga.
Boom!

Nagpakalat-kalat ka na ba
sa SM Fairview kahit alas-10 pa lang ng umaga
at kakabukas pa lang ng gate,
kahit binoboykot mo ang mall
dahil nagputol umano sila ng pine trees sa Baguio,
habang nakikinig ka sa kantang "esem" ni Dong Abay
at iniisip mo kung anong banda siya galing,
Yano ba o Pan,
sa i-pod mong gusto mong ipamigay
dahil lalo mo lang naaalala si Caileigh
na nagturo sa iyong mag-gitara,
at nanood ng love story
para manatiling kumakapit sa paniniwala
sa kadakilaan ng pag-ibig
ni Derek Ramsey at Anne Curtis?

Saka mo sinabi nang malakas
dahil naka-earphone ka,
"Sana pine tree na lang ako
para 'di na naiinlab.
Masakit sa puso eh.
Boom!" ***

____________________
* Ang pamagat ay mula sa Bubble Gang

Sinubukan ko lang gayahin ang tunog nila Bob Ong at Eros S. Atalia. Kung hindi epektibo, okay lang. Experiment lang naman, 'di ba? :-)