Showing posts with label Heart break. Show all posts
Showing posts with label Heart break. Show all posts

Friday, December 20, 2013

(Walang Pamagat)

Paeng Ferrer
20 Dec 2013


Isang hilera ng bagong kotse:
Mustang, Chevrolet, at Porsche.
Ang ingay ng andar nila!

Nawa’y naalala mo pa
ang isang tanghaling dinala kita sa Tagaytay.
Nayamot ka sa windshield kong dilaw
at sa lumagitik na D13B2 kong makina.
Pero nakarating pa rin tayo
at masaya akong minasdan ka sa zip line
habang papalubog ang araw.

Pero parang palaging gabi rito sa garahe.
Naisip ko,
“Matulungin pala ang dilim.
Ikinukubli ang kalawang ko.”

Ang ingay ng andar nila!

Ako ang despalinghadong kotse
na hindi na isinasama sa byahe.

Siguro nga masaya kang sumama sa ibang sasakyan.
Sa 'di kalayuan, mayabang na umarangkada
ang isang bagong kotse sa kalsada.

Hindi ko na kayo narinig.
Naglaho sa dulo ng daan nang gabing iyon. ***

Wednesday, July 17, 2013

"Aktibong Paghahanap”


















Paeng Ferrer
17 July 2013

Nais kitang makita,
gayundin, hinanap mo ako.

Madaling-araw,
mabilis akong tumakbo.
Hinahabol kita.

May binanggit kang kung anong rason
kung bakit mo ako hinanap
pero hindi ako naniwala.
Hindi ko na rin sinabi sa ‘yo.

Pareho nating kinumusta ang  bawat isa.
Sino nga ang naunang sumagot?

Gumising ako
at natagpuan ka
sa ‘di inaasahang lugar
at oras.

Mabilis akong tumakbo
at naabutan ka
doon sa may kurba ng kalsada.

“Ang paghahanap pala
ay aktibong paghihintay,”
sabi ko sa sarili.

Nakita kong wala kang bitbit na kahit ano,
walang bagahe.
Tuwid na tuwid ang tindig natin.
Nag-aabang sa pagsikat ng araw. ***

Thursday, April 25, 2013

Hindi ko Inakala 'Yon


Paeng Ferrer
19 Apr 2013



















Hindi ko inakala 'yon.

'Di lumagos ang ilaw papasok
sa silid sapagkat maitim na asul
at makapal ang kurtina.

Ngayon, hindi na ako ang kasama mo.
Bakit nga ba
hindi ko inakala 'yon?
Hindi ko napaghandaan.

Dumungaw ako sa labas ng bintana.
Tanghaling tapat
at patuloy sa pagkalaykay ng kayle
ang mga manggagawa
ngunit hindi ko naririnig.
Pawang lumang pelikula
na mabagal at walang tunog.

Gumising akong wala ka.
Mabangis ang lungkot
pagkat 'di na ako nasanay.
"Hindi na ito mauulit,"
pangako ko sa sarili.
Huling beses nang malulumbay.

Sa loob ng silid,
kausap ko ang upuan.
Matagal kaming nag-usap.
Matagal din kaming tumahimik.

Matindi ang init.
Wala akong hawak
pero nakakuyom nang mahigpit
ang palad.

Bakit nangangako sa sarili
kung alam kong malabong tuparin?
Paano nakuhang magsinungaling sa sarili?
Bakit 'di nabisto ang sarili
nang sinabing, "ayoko sa 'yo?"

Di pa rin tayo natatapos
magtalo sa mga maliliit na bagay.
Nagtutuos kami ng upuan -
talo ang unang magsalita.

Hanggang inabot kami ng gabi
Umuwi na ang mga manggagawa
pero 'di pa tapos ang kalsada. ***