Thursday, April 25, 2013
Hindi ko Inakala 'Yon
Paeng Ferrer
19 Apr 2013
Hindi ko inakala 'yon.
'Di lumagos ang ilaw papasok
sa silid sapagkat maitim na asul
at makapal ang kurtina.
Ngayon, hindi na ako ang kasama mo.
Bakit nga ba
hindi ko inakala 'yon?
Hindi ko napaghandaan.
Dumungaw ako sa labas ng bintana.
Tanghaling tapat
at patuloy sa pagkalaykay ng kayle
ang mga manggagawa
ngunit hindi ko naririnig.
Pawang lumang pelikula
na mabagal at walang tunog.
Gumising akong wala ka.
Mabangis ang lungkot
pagkat 'di na ako nasanay.
"Hindi na ito mauulit,"
pangako ko sa sarili.
Huling beses nang malulumbay.
Sa loob ng silid,
kausap ko ang upuan.
Matagal kaming nag-usap.
Matagal din kaming tumahimik.
Matindi ang init.
Wala akong hawak
pero nakakuyom nang mahigpit
ang palad.
Bakit nangangako sa sarili
kung alam kong malabong tuparin?
Paano nakuhang magsinungaling sa sarili?
Bakit 'di nabisto ang sarili
nang sinabing, "ayoko sa 'yo?"
Di pa rin tayo natatapos
magtalo sa mga maliliit na bagay.
Nagtutuos kami ng upuan -
talo ang unang magsalita.
Hanggang inabot kami ng gabi
Umuwi na ang mga manggagawa
pero 'di pa tapos ang kalsada. ***
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment