Thursday, April 21, 2011

Mga Byaheng Hindi Panturista



Paeng Ferrer
21 Apr 2011


Nag-eempake ka
papunta sa isang akademikong kumperensya
nang tinanong mo ako,
"naalala mo ba ang mga Aeta sa Zambales?”,

Isang linggo ka roon
habang nananatili akong nagsusulat
ng sanaysay tungkol sa mga bagong teorya
at tungkol sa pagtamlay.

Natandaan mo ba ang ulam
nilang pinaghalong sardinas at mami?
Isinilid mo ang lumang laptop sa bagahe
na waring hinapo sa rami ng nilakbay.

Sari-sari ang mga byahe natin.
Mayroong sa mga magsasaka sa Nueva Ecija
na walang tubig at kuryente;
sa mga natabunan ng trahedya sa Leyte;
o kaya’y sa mga naipit ng gyera sa Pikit?

May mapa ng Pilipinas sa pader natin
at may marka ang mga lugar panturista
pero ang parati nating nararating
ay masasabi rin namang kilalang lugar
dahil sa pinsala, kahirapan, at kaapihan.

Mistulang nag-aapoy ang dagat
sa paligid ng mapa.
Maya-maya’y nanlata rin ang apoy.

Saglit akong tumigil
upang isipin ang susunod na talata.
Pula ang dapithapon sa labas ng bintana.
Tulad ng una nating pagtatagpo
sa unibersidad.
Matapang kong inilalantad ang imperyalismo
at aktibo ka naman sa teatro noon.

Minsa’y gusto rin nating magbakasyon
at tumigil nang isang linggo
para patahanin ang loob.
Pero kadalasa’y ang nagpapahumpay ng kaluluwa
ay ang pakikipaglaban
para sa mga kubling pook.

Pumanglaw ang papawirin sa labas.
Itinabi ko ang kwaderno’t bolpen.
Nagpaalam ka para sa muling paglalakbay.
Sa paglabas mo ng pinto,
anino mo ang mapa ng Pilipinas
pero hindi ito nagliliyab tulad noon.

Paanong ang kay liit na bansa
ay nagtataglay ng kay laking dusa?

Maaapula pa ba natin ang sunog?
O ililikas na lamang ang taumbayan?
Minsa’y nais ko nang ibaba ang mapa
at palitan ng ibang lugar. ***

No comments:

Post a Comment