Thursday, April 21, 2011

Pagnasa

(tugon sa nobelang Shanghai Baby ni Wei Hui)

Paeng Ferrer
12 Apr 2011


May kabiyak na lumbay ang gabi.
Ako ang banal na nagpintang itim ng magdamag.
Mistulang salamin ang kinang ng buwan –
magkatapat at baligtad ang paligid.

Mapanlinlang ang gabi.
Ibinibigay nito ang hilig mo
nang sa karaka’y malaman mong hindi mo na ito nais.

Pumanaog ako ng sasakyan
at naglakad pauwi.
Naulinigan ko ang alulong ng halimaw
sa kalye.
Pagdaka’y takot kong nasalubong ang masibang hayop.
Handa niyang punitin ang nanlalatang kalamnan ko.
Iniakma ko ang punyal sa puso niya.

Pero biglang nagbago ang hugis ng aswang.
Ikaw ba ang matimyas na Soltera
na may puspos at wagas na ngiti?
Totoong malungkot ang ngiti niya.

Pawang mga alitaptap ang ngiti
na magarang tingnan tuwing gabi
ngunit ‘di maaninag ang kislap sa umaga.

Dagling naglaho ang konsepto ko ng oras,
parang alingasngas na ‘di binibigyang puna.
Hinagap ko lamang ang natirang kumilos.
Bumubulong sa likod ng diwa ko ang paglihis.
Karnal, ikaw ay aking iniibig, karnal. ***

No comments:

Post a Comment