Saturday, April 25, 2009

Modernong Tubig















Paeng Ferrer

April 18, 2009


Mayro'ng salagubang, ahas,
at kalabaw na laganap
do'n sa lawa. Kulay asul
at luntian ang tubigan.

Pero may nagtatagong itim, nagluluksa,
at kahel, tiwalang mayro'ng pag-asa.
Mahinahon ang mga isda.
Kontento? O matamlay?

May boteng plastik sa gilid
ng tubigan, lumulutang.
Malinaw ang balak nito:
mamahagi ng malinis

na tubig sa taong bibili't nauuhaw.
Pero hindi bumabalik sa lupa
ang plastik. Nagiging madungis
ang tinunggang likido.

Pakiulit ang dakilang
plano. Bakit kailangang may
matapos? O masimulan?
Manipulahin ang tubig.***

Jogging sa UP



Thursday, April 23, 2009

Diaspora mula sa Ama: Isang Elegia

















Paeng Ferrer (07/23/2008)

Isda, lily, at tubig ang mundo

kapag naglalayag sa ilog. Wala
ang pampang at ibayo kapag gutom,
uhaw, at pagal. Wala lahat ‘yon.

Waring palaruan ang pinagmulan ko,

at inakala kong kinalakhan.
Wala akong sikreto sa probinsya.
Nasa ilog ang lihim, maski linlang.

Alaala na lamang ang pamilya ko,

at pangarap. Nanood kami ng sine
sa Calamba, namili sa Raon,
at sama-samang nagsimba noon.

Patawad at ‘di ako matatag

at naghanap ako ng malasakit.
Kailangan pala ang rasyunal.
Nagkakamali ba ako noong musmos?

Ano nga ba ang ilog? Ang ibayo?

Bakit tinatawid? Imahinasyon lang ba
ang mainam na buhay hambing sa ilog?
Parating gabi rito sa bangka.

Kalye Mabini, Lumban, Laguna


















Paeng Ferrer (07/23/2008)

Para kay Eladio Yasto Ferrer


Sa unang pagbanggit ng salita

tumigil ang oras. Maski paghaba ng kuko.
Kunsabagay, kapag ganito ko lang
malalambing ang mga kamay mo,
malalaro, tulad ng sa bata.

Ikaw ang probinsya, ang bayan, ang bahay.

Tinatakasan kita. Ikaw ang lugar.

Pero ngayon, gusto kitang bumalik

tulad ng pananabik
sa araw na ordinaryo
kapag araw ng problema.
O tulad ng maalalahaning ambon.

Tinatakasan kita. Bilanggo ako

ng sariling katawan na ikaw rin.
Ang salamin ko’y sa iyo.
Maging lahat ng librong nabasa ko’y sa ‘yo.

Naintindihan kita, na dati’y hindi,

hindi mo lang ako nakilalang muli.
Ako man sa iyo.

Ang puno ng atsuete,

ang bakod na kawayan,
ang mga aso sa kalye tuwing gabi,
ang trycicle hanggang ilaya,
ikaw lahat ‘yon.

Ikaw lahat ‘yon para sa akin.

Nakakulong ako pero kinukupkop mo ako.
Gusto kong lumaya pero takot ka.
Gaya ng pagbili n’yo ng bahay natin dati
na ngayo’y nanganganib ibenta.

Hindi tayo mahuhusay na tao.

Ni hindi tayo makapag-usap ng maayos.
‘Di na ‘yon mahalaga.

Inayos ko na ang kwarto mo.

Kinilala kita sa mga damit,
sa mga papeles,
sa mga litrato, at alaala, kinikilala kita.

‘Di na ‘yon mahalaga.

untitled 2

8:00PM December 21, 2007

Aking ikinalulungkot na aking 'di matiis
ang sa buhay ay maging isang alipin.
Pati buwa'y pumipiglas na sa araw ay lumitaw,
hangi'y sumisigaw na sa kakahuya'y tumagos.

Ngayong gabi'y nilikha ko,
karamihan sa natatanaw ko.
Kaydingal ng mundo kung malaya ako.
Sa dulo ba'y walang saysay ang mga kinatha ko?

Sa loob ng balikat ko,
may nabubuhay at pumipiglas.
Bibitawan ko ang pasan-pasan 'pagkat
humiwalay ang kaluluwa ko sa hanapbuhay.

Darating ba ang panahong lalawak ang tanaw ko?
Guguho bawat kilalang kultura,
at 'di na pamilyar ang buhay.
Sisikat ang buwa'y kay aga. ***

untitled





















2:05am, 11 Disyembre 2007

Aking ikinalulungkot na ang buhay ay 'di isang alipin.
Ako ma'y maging pinuno ng tao ngunit 'di ng panahon.
Lupa ma'y aking trabahador, ang pagkakatao'y hindi.
Akin mang masdan ang bitui'y ako'y 'di nila lilingain.

Pinuputol ng hangin ang mga alambre sa payong ko
at iniuutos ng ulap na mababad ako sa ulan.
Sa aking harap ay landas na libu-libo ang tumambad.
May eroplanong sumisigaw - aking tahana'y may kalayuan. ***

Sa Aking Kasibulan

Sa Aking Kasibulan
Paeng Ferrer
7:00pm 15 Nobyembre 2007

Ang sabihing ako'y naiidlip ay bulaan.
Ako'y gising sa rami ng iniisip.
Pinaniniwalaan ko'y nasaid,

lahat ay lumipas - munting insektong walang buhay.
Masamang biro ang salitang pag-unlad.
Ako ba'y may muhi o may dalamhati?

Tulad ng bawat sumisibol ay naliliso
at tapang ay nanggigising na parang sangsang.
Sa sulok, ang insekto'y walang ginambala;

sulok lamang at sariling katawan.
Ako'y walang narinig na hininging kapalit
nang piliin kong siya'y kalimutan.

"Pag-ibig sa Restaurant"

"Pag-ibig sa Restaurant"
Para kay Baleng

1.

Kanina, tayo ay gumising ng maaga
upang sa kainang mamahalin ay magtungo.
Ito ay unang beses kaya't 'di kumportable.
Ang oras na parating kulang ay nilulubos.

Sama ng loob na naihinga ang bawat kagat
sa pagkain. Tayo'y magkasama ngayon,
ika'y lilisang muli mayamaya lamang.
Ang trapik sa labas ay 'yong pinanonood.

Siguro, ito'y isinusuka ng 'yong isip,
na ika'y d'yan sasakay patungong trabaho.
Totoong 'yong iniibig ang 'yong trabaho,
kasama ng api, ang pag-asa'y iniibig.

Ikaw ay sumubong muli ng pagkain,
at nalungkot. Pagkat minsa'y iyo ring nais
ang manatili sa mundong walang ligalig.
Iyong tanong, 'di ba't 'yon ang nais marating?

Kung ang mga ngiti'y baunin sa isip,
ating 'di batid kung ito'y panghabang-buhay.
Ngunit tayo'y 'di ngingiti kung 'di iibig.
Ang mga ngiti'y kay sarap, sila'y perpekto.

Ngayo'y ating nililikha ang pag-ibig.
Sa trabaho'y ganito rin ang 'yong gagawin,
kahit 'di perpekto ang ating matagpuan,
tulad ng repleksyon sa bintana ng kainan.

2.

Kailanma'y 'di natin maintindihan ang diyos.
Tulad ng pakiramdam natin ngayon:
unang beses tayo sa restoranteng ito,
kasabay nating kumai'y kay gara ng sapatos,

ako'y nakasandalyas. Pero 'pagdating sa pagkain,
lahat ay may tiyang nagugutom - pantay-pantay.
Bawat kagat nati'y mga ngiting babaunin sa isip.
"Masdan mo ang trapik," pagtawag mo sa akin.

"Ang bawat kalye'y mga linya sa balat ng karpintero.
Ang usok ay kanyang kulay. Ang mga sasakyan
ay kalamnan at litid na may sariling ligalig.
Mayamaya'y tutungo ako sa trapik na iyan

at maglalaho, tulad ng usok patungong langit.
Subalit langit rin itong aking kinalalagyan,
kapiling mo, kahit wala ang musika, air-con,
at pagkain. Kailangan ko'y iyong ngiti.

Tulad nito'y paghawi sa mga sasakyan."
Nang sinabi mo iya'y nakita ko ang ating repleksyon
sa bintana sa restorante. Hindi perpekto,
subalit sila'y magkatabi, tulad natin.

Mga Nota sa Kalawakan

(1:50PM, June 23, 2007)
*Para kina Sheryl at Joy Ann ng Naic, Cavite

Wala raw akong makakamit,
kawangis ng mga tao t'wing dapit-hapon.
Mula sa ligalig ng mga nota,
ako'y awit na may nais makamtan.

Pagdududa ang nangingibabaw
sa gitna ng bawat pagtatagpo
ngunit, upang tumuloy, ay 'di nababalam,
sa luma't kinasawaang tugtugin.

'Di ako naaakit sa awit
kundi sa umaawit, kanyang labi.
Tunay ba ang iyong mga ngiti
o awit na naglaon ang tono?

Wari ko'y ngayon lang kita nakita
ngunit pamilyar. Nais kitang patawarin,
tanggaping buo. Wala akong ililihim -
isang batang naniniwala sa bukas!

Nais kong makita ang tanaw mo
pagkat tayo'y mga nota sa kalawakan,
sumasanib sa lahat ng bagay,
isang pagdahop ng palad ng magkaibigan.