Thursday, April 23, 2009

"Pag-ibig sa Restaurant"

"Pag-ibig sa Restaurant"
Para kay Baleng

1.

Kanina, tayo ay gumising ng maaga
upang sa kainang mamahalin ay magtungo.
Ito ay unang beses kaya't 'di kumportable.
Ang oras na parating kulang ay nilulubos.

Sama ng loob na naihinga ang bawat kagat
sa pagkain. Tayo'y magkasama ngayon,
ika'y lilisang muli mayamaya lamang.
Ang trapik sa labas ay 'yong pinanonood.

Siguro, ito'y isinusuka ng 'yong isip,
na ika'y d'yan sasakay patungong trabaho.
Totoong 'yong iniibig ang 'yong trabaho,
kasama ng api, ang pag-asa'y iniibig.

Ikaw ay sumubong muli ng pagkain,
at nalungkot. Pagkat minsa'y iyo ring nais
ang manatili sa mundong walang ligalig.
Iyong tanong, 'di ba't 'yon ang nais marating?

Kung ang mga ngiti'y baunin sa isip,
ating 'di batid kung ito'y panghabang-buhay.
Ngunit tayo'y 'di ngingiti kung 'di iibig.
Ang mga ngiti'y kay sarap, sila'y perpekto.

Ngayo'y ating nililikha ang pag-ibig.
Sa trabaho'y ganito rin ang 'yong gagawin,
kahit 'di perpekto ang ating matagpuan,
tulad ng repleksyon sa bintana ng kainan.

2.

Kailanma'y 'di natin maintindihan ang diyos.
Tulad ng pakiramdam natin ngayon:
unang beses tayo sa restoranteng ito,
kasabay nating kumai'y kay gara ng sapatos,

ako'y nakasandalyas. Pero 'pagdating sa pagkain,
lahat ay may tiyang nagugutom - pantay-pantay.
Bawat kagat nati'y mga ngiting babaunin sa isip.
"Masdan mo ang trapik," pagtawag mo sa akin.

"Ang bawat kalye'y mga linya sa balat ng karpintero.
Ang usok ay kanyang kulay. Ang mga sasakyan
ay kalamnan at litid na may sariling ligalig.
Mayamaya'y tutungo ako sa trapik na iyan

at maglalaho, tulad ng usok patungong langit.
Subalit langit rin itong aking kinalalagyan,
kapiling mo, kahit wala ang musika, air-con,
at pagkain. Kailangan ko'y iyong ngiti.

Tulad nito'y paghawi sa mga sasakyan."
Nang sinabi mo iya'y nakita ko ang ating repleksyon
sa bintana sa restorante. Hindi perpekto,
subalit sila'y magkatabi, tulad natin.

No comments:

Post a Comment