Paeng Ferrer April 18, 2009 Mayro'ng salagubang, ahas, at kalabaw na laganap do'n sa lawa. Kulay asul at luntian ang tubigan. Pero may nagtatagong itim, nagluluksa, at kahel, tiwalang mayro'ng pag-asa. Mahinahon ang mga isda. Kontento? O matamlay? May boteng plastik sa gilid ng tubigan, lumulutang. Malinaw ang balak nito: mamahagi ng malinis na tubig sa taong bibili't nauuhaw. Pero hindi bumabalik sa lupa ang plastik. Nagiging madungis ang tinunggang likido. Pakiulit ang dakilang plano. Bakit kailangang may matapos? O masimulan? Manipulahin ang tubig.***
Sa unang pagbanggit ng salita tumigil ang oras. Maski paghaba ng kuko. Kunsabagay, kapag ganito ko lang malalambing ang mga kamay mo, malalaro, tulad ng sa bata.
Ikaw ang probinsya, ang bayan, ang bahay. Tinatakasan kita. Ikaw ang lugar.
Pero ngayon, gusto kitang bumalik tulad ng pananabik sa araw na ordinaryo kapag araw ng problema. O tulad ng maalalahaning ambon.
Tinatakasan kita. Bilanggo ako ng sariling katawan na ikaw rin. Ang salamin ko’y sa iyo. Maging lahat ng librong nabasa ko’y sa ‘yo.
Naintindihan kita, na dati’y hindi, hindi mo lang ako nakilalang muli. Ako man sa iyo.
Ang puno ng atsuete, ang bakod na kawayan, ang mga aso sa kalye tuwing gabi, ang trycicle hanggang ilaya, ikaw lahat ‘yon.
Ikaw lahat ‘yon para sa akin. Nakakulong ako pero kinukupkop mo ako. Gusto kong lumaya pero takot ka. Gaya ng pagbili n’yo ng bahay natin dati na ngayo’y nanganganib ibenta.
Hindi tayo mahuhusay na tao. Ni hindi tayo makapag-usap ng maayos. ‘Di na ‘yon mahalaga.
Inayos ko na ang kwarto mo. Kinilala kita sa mga damit, sa mga papeles, sa mga litrato, at alaala, kinikilala kita.
Aking ikinalulungkot na aking 'di matiis ang sa buhay ay maging isang alipin. Pati buwa'y pumipiglas na sa araw ay lumitaw, hangi'y sumisigaw na sa kakahuya'y tumagos.
Ngayong gabi'y nilikha ko, karamihan sa natatanaw ko. Kaydingal ng mundo kung malaya ako. Sa dulo ba'y walang saysay ang mga kinatha ko?
Sa loob ng balikat ko, may nabubuhay at pumipiglas. Bibitawan ko ang pasan-pasan 'pagkat humiwalay ang kaluluwa ko sa hanapbuhay.
Darating ba ang panahong lalawak ang tanaw ko? Guguho bawat kilalang kultura, at 'di na pamilyar ang buhay. Sisikat ang buwa'y kay aga. ***
Aking ikinalulungkot na ang buhay ay 'di isang alipin. Ako ma'y maging pinuno ng tao ngunit 'di ng panahon. Lupa ma'y aking trabahador, ang pagkakatao'y hindi. Akin mang masdan ang bitui'y ako'y 'di nila lilingain.
Pinuputol ng hangin ang mga alambre sa payong ko at iniuutos ng ulap na mababad ako sa ulan. Sa aking harap ay landas na libu-libo ang tumambad. May eroplanong sumisigaw - aking tahana'y may kalayuan. ***