Paeng Ferrer
Nagsasawa na ako sa dagat.
Hindi na ako pinatutula nito.
Natutuyo ang tubig
at nagkukulay itim ang lahat.
Sa loob ng bahay,
nasusuya ang pamilya ko
sa humuhuning pampang.
Tulad ng ingay ng tuko o kuliglig,
hindi iniuugnay sa kanila.
Mas nais pa nilang minamasdan ang hinawan
kaysa mga alon.
Masasabi ko bang inosente ang dagat
kung pinipili nitong lumayo?
Nananalig ang tao sa artipisyal,
paimbabaw, at lumilipas.
Nasusurpresa ako,
nagsasawa na ako sa dagat,
lumilipas lamang ito sa akin.
Nagpapatianod.
Hindi diyos ang binubuong pamilya.
Iba ang pagpapabaya,
iba ang pagpapaubaya. #
No comments:
Post a Comment