Wednesday, October 30, 2013

Bahag-hari sa Cubao

I just translated the poem "Rainbows in Cubao" (see below) in Filipino

Paeng Ferrer
29 Oct 2013

"We're born alone, we live alone, we die alone.
Only through our love and friendship can we create the illusion
for the moment that we're not alone." - Orson Welles


Nahalina ako ng kumikislap na laruang

de-kuryente. Marahil Made in China
na may tau-tauhang kenkoy na nakadikit sa tuktok.

Mga mabababaw na bagay na matatagpuan
sa maruming kanto ng Cubao,
lalo na ‘pag gabi.

Bunga ng inggit, mula sa laruan
o marahil mula sa kasiyahan niya,
binugahan ko siya ng makapal na usok
galing sa yosing bitbit ko buong araw.
Umiyak siya sa pangamba.
Hindi ako humingi ng paumanhin.

Isang mumurahing artipisyal na bahag-hari
sa kamay ng isang batang babae
pero tunay na maligaya siya.

Hinampas mo ako sa balikat
para ipaalala ang asal ko.

Hindi ako kumilos
ni isang pintig
kasi nagiging kulog ang isang munting tibok
tuwing hindi umiimik ang lahat.

Ipagpaumanhin mo kung maalikabok ang bahay ko.
Ako ang alikabok pero hindi ka pwedeng hikain.

Bakit kinalilimutan ng tao ang malasakit
gayong ito ang tanging katotohanang
nakapang-aakit at puno ng pag-asa?
Ano’ng paki ko?

Umuwi ako sa maalikabok na bahay
at itinarangka ang pinto ng kadenang umuugoy
na hindi ko na nais buksan kailanpaman.

Tinitigan mo ang kalsada
at niyakap ng mahigpit ang abasto
na parang kasing-irog mong
nag-aabang ng bus.

Marahil maligaya ka rin,
tulad ng lumuluhang paslit,
nang sumakay sa bus.

Nagtatakang tumitig sa akin ang tindero.
Binigyan ko siya ng 50 piso
kapalit ng walang kapararakang laruan
at iniabot sa iyo.
Magalang kang tumanggi.

Ano’ng paki ko?
Maalikabok pa rin ang bahay ko.
Nambubwisit pa rin ang patay-sinding laruan
habang itinatapon ko ang sigarilyo.
Tinitigan ko ang pinto
kung saan idinuduyan pa rin ang kadena.
Iumpog ang ulo sa hawakan! #

No comments:

Post a Comment