Saturday, November 10, 2012

Ligalig




















May patay na hipon
na nakatiwangwang sa aspalto.
Bumagsak kaya ito galing
sa huli ng hamak na mangingisda?
Maputla at nilalanggam.

Kanina pa may bumabagabag
na tanong sa akin,
"Anong oras darating ang sundo namin?"
Dalawampung minuto ang wika n'ya
ngunit isang oras na ang nakalipas.

Bakit kumikintab ang dagat
na parang bagong hasang itak?
May natatanaw akong balsa sa malayo
o baka iyo’y isang bangkay na nalunod.

Gaano ba kalayo ang islang
kinaroroonan ko?
Sa pagkakaalala ko
dalawang oras na maneho
at 30 minutong sagwan
hanggang dito.

Maitim ba ang langit dahil gabi
o may nagbabantang bagyo?

Inisip ko, mabuti at may kakwentuhan ako.
Sila nga ba'y dalawang guro,
dalawang syentista, at tatlong pulitiko?
Nasa loob kami ng isang silid
dito sa gitna ng pampang.

Sandali, saan siya nagmula?
Ang madreng nakaitim
na talukbong ang tinutukoy ko
sa kulay abong buhangin?
Karaka'y lumuhod at dinasalan
ng Latin ang dagat
na mistulang nitso sa sementeryo.
Pagdaka'y tumitig sa akin.
Ngunit bakit tumagos ang tingin niya?
Pawang 'di niya ako nakita?
Nagkulay dugo ang anino ko.

Sa kabilang gilid ng pampang,
narinig ko ang ungol
ng musang sa kakahuyan.
Marahil nagmamasid at nag-aabang
sa likod ng kawayan
para sa pagkakataong
sagpangin ako.

Anong oras darating ang sundo namin?
Isang oras at kalahati na ang lumipas.
Madilim na ang dagat.

Kailan makukumpleto ang putol
na tulay patawid sa ibayo?
Sabi nila, "May mga buwayang
nag-aabang sa gilid kung bumaha."
Kasama nila ang engkanto ng putik
na mahilig paglaruan ang dayuhan.
Kahit ilang barya ang ihulog,
putol din ang mga linya
ng telepono rito.

Bakit kung kailan walang trabaho
ay sarado ang establisyamento sa pulo?
Ayaw bang kumita ng pera ng lokal?
Bakit nakatarangka ang pinto
gayong pakiramdam ko'y may tao sa loob?
Nasusuklam ba sila sa amin?
Sabado nga ba ngayon? O Myerkules?

Bakit hindi ko matandaan?

Bakit hindi ko matandaan
ang mahigpit na habilin
ng sundo namin,
"Wala nang balsa paalis ng isla
'pag lipas ng ika-5."

O ika-6?
Kung walang balsa,
sa isla magpalipas ng magdamag.

Ang pinakanakapangririmarim
ay ang pakiramdam
na wala akong magawa
kundi magmatyag at magtago
sa likod ng dambuhalang bato.
Ano'ng iwinika noong madre?

Paano binuhat ng langgam
ang patay na sugpo?

Bakit hindi ko matandaan
ang pangalan ng mga kasama ko?
Hindi ko rin maalala kung nasaan sila.

Mag-isa lang ba ako?

Anong oras darating ang sundo ko?
Dalawang oras na ang nakalipas.
Nagsimula nang umambon.
Palakas nang palakas.
May balsa pa kaya paalis ng isla? ***

                                        - Paeng Ferrer
                                          Pulau Aman Penang, Malaysia