ni Paeng Ferrer
Wala na akong maisulat sa ngayon.
Wala na akong maisulat sa ngayon.
Nalunod na ang aking sarili.
Ang pagtula ay tagumanak.
Lumalabas na ang sanggol
sa pwerta diretsong basura.
Dinadayo ng langaw ang sangsang.
Tondo, Payatas, Antipolo.
“Hindi pagdadalantao ang pagsusulat,
hindi rin siguro ito mabaho,”
dalumat ng mistulang pantas.
Ang negatibong pinarami
ng kapwa negatibo
ay magiging positibo
kaya’t positibo ang pagkatha.
Pakinggan ang katwiran kong balintunay,
hindi ka maligaya kung malumbay ka,
ayon sa sikolohiya’t istatistika.
Ipagpaumanhin mo ‘pagkat
may masidhing suliranin sa bahay
dahil sabug-sabog ang mga t-shirt ko sa tukador.
Itatwa mo ang sarili,
itatwa mo, Paeng, ang sarili
at mabubuhay ka nang matining,
mapayapang panganganak sa iyo.
Pero pwera siste,
ito ang totoo sa ngayon,
parati akong nangangamba,
takot akong mabigo.
Ano nga ba ang dahilan ng pagpupursige?
Lunes ng tanghali: opisina, bentilador,
bolpen at kwaderno.
May nagdadalantao. ***