Paeng Ferrer
(21 Aug 09)
Umaatras ang aking lakas ng loob
tuwing 'di ka mahagilap.
Tulad ng lagusang 'di nauubos.
Saan na nga ba ako tutungo?
Nananamlay ang mga binti ko
at bumubulagta ako sa sulok
upang magpahinga.
Nasasaid na ang baong tubig
at kumukurap ang munting sulo.
Napapagal din pala ang ilaw.
Totoo nga ba ang naririnig
na mga halakhak sa labas?
Nawa'y 'di guni-guni't bangungot.
Ginigising ako ng realidad
sa kweba. Mga ahas, gagamba,
paniki, daga, at alupihan.
Tiyak nga ba ang distansya?
Kinukwenta at sinusukat?
Malapit ka kung malapit
at malayo kung malayo?
O anong layo mo ngayon.
Kay sayang pangarap ang paglaya!
Pinakikinggan natin ang ingay
at galak ng mga tao sa labas.
Isa kang hamog dito sa kuweba.
Nagpapatunay sa halaga ng pag-asa
ang pagdampi mo sa mga uhaw kong labi.
Siguro'y mahaba pa ang lagusan
subalit nararamdaman ko
na matagal pa ang kakayahan kong kumilos,
sumulong, lumaban.
Ikaw ang aking tagapagligtas.
Oo,... ikaw ang aking salbasyon. #