Saturday, September 21, 2013

Oda sa Hyper-acidity


"Oda sa Araw ng mga Ama"

I wrote this during Father's Day

Paeng Ferrer
17 Jun 2013

Akyatin ang Banahaw.
Mapungay na hapon sa Laguna.
Bato... putik.

Maliit na punyal.
Sinubukan kong maghawan ng daan.
Hanging malakas.

Isa akong punso
kumpara sa bundok. Hindi niya
ako pinansin

pero lumaki ako,
mas mataas pa sa kanya.
Sumubok siya

na makilala ako.
Sumubok siya maski hindi ako
sinusubukang akyatin. ***

Ipinaaalala ka sa Akin ng Ilog (Oulipo Version)

Gamit ang isang Oulipo na ehersisyo, isinulat kong muli ang isang tula dati. "Haikuization" ang tawag sa ehersisyong ito.


Ipinaaalala ka sa Akin ng Ilog (Oulipo Version)
ni Paeng Ferrer
June 4, 2013

Akin ang ilog
kung saan maligaya kang lumangoy.
Pagpapalaya. Pagpapaubaya.

Hindi na mauulit.
Ikaw ang una. Papalayo ka.
Paalam oras,

dambuhalang mga bato,
at maputing mga munting bula
ng daloy.

Kinausap mo ako
subalit ‘di ako sumabat ‘pagkat
kontento ako.

Katamtaman ang araw.
Ako ang ligaw na damong
ginising mo.

Sariwa ang hangin.
Natanaw ko ang baryo sa bundok – 
may magnobyo.

Lilipas ang umaga
gaya ng natatakdang paglisan mo.
Ilog. Malamig. ***



Narito ang lumang tula: 

Ipinaalala ka sa Akin ng Ilog
Paeng Ferrer
23 Apr 2013

Ipinaalala ka sa akin ng ilog
kung saan maligaya kang lumangoy.
Pagpapalaya at pagpapaubaya ang tubig.

Hindi na yata ito mauulit.
Ikaw ang una
pero papalayo na ang oras;
nagpapaalam.

Dambuhala ang mga bato
at maputi ang mga munting bula
pati may puwersa ang daloy.

Kinausap mo ako
subalit 'di ako sumabat
'pagkat kontento na akong kapiling ka.
Iyon lang ang nais kong sambitin.

Katamtaman ang sikat ng araw
nang umagang iyon
at ako ang ligaw na damo
na ginising ng iyong hamog.

Pinagmasdan tayo ng sariwang hangin.
Sa kabilang ibayo,
natanaw ko ang baryo sa tuktok ng bundok
Sa malayo, may magnobyo, sa malayo...

Lilipas ang perpektong umagang ito
gaya ng natatakdang paglisan mo.

Hinahaplos ko ang ilog
habang dinadamdam ang lamig nito.***