Sunday, January 3, 2010

Pakikibagay ng Plastic Bag

Paeng Ferrer
(03 January 2010)

Sa ngayon, bilang manunulat,
hindi ko alam ang sasabihin.
Bakas pa ang mga kagat ko sa lapis.
Hugis plastic bag ang anino ko.
Puti. Tinangay ng hangin sa dagat.

Nakamamatay ang lamig
at nakaduduwag ang mga ligaw na hayop.
Ano ang ipinahihiwatig
ng mistulang malulupit na alon?
Na kasalanan ko?
Na 'di ako mahalaga?
O na maligaya siyang manlupig?

Sa ngayon, bilang mambabasa,
nakukumbinsi pa ako sa paliwanag
na maliit lamang ang tanaw ko.
Natatakot ako sa araw na hindi na
dahil sa ilalim ng dagat
ay lamig at dilim lamang.

Karamay ko ang mga bula.
Dinadala kung saan nais ng hangin,
ng bagyo, lindol, at mababangis na hayop.
Buong oras ko'y ukol sa ikinabubuhay.
'Di sa kinabukasan, identidad,
luwalhati, o pag-ibig.

Matututo raw akong mabuhay sa lamig
at ipaglaban ang makabuluhan.

Pasasaan ba't magiging tao muli ako.
Subalit sa ngayon, bilang plastic bag,
hindi ako magagapi ng tubig. ***