Monday, November 20, 2017

Gamit lamang ang isang patalim

November 20, 2017

"Ang pagkakamali ay tulad ng kutsilyo,
na sakali ay maglingkod o sumugat sa atin,
kung sa talim o sa hawakan kumapit." - James Russell Lowell

Natatangi pa rin ang pandinig mo.

Siguro naalala mo
ang nabasang kwento sa peryodiko
ng isang lalaking lumikha ng liyab,
tahanan, at nangaso
nang maiwang mag-isa sa gubat
at nakaligtas gamit lamang ang isang patalim.

Madaling-araw noon
nang natanaw kita mula sa bintana
na inihain ang bagong aning singkamas
mula sa halamanan
pero nakatanga sa malayo
habang binabalatan
gamit lamang ang isang patalim
nang may pumatak na dugo.

Itinapon mo ang balat sa sulok
nang hindi inisip kung tutubong muli
o mabubulok na lamang paglipas ng oras.

Lumingon ka pabalik sa bintana,
pabalik sa akin,
kaya't alam kong narining mo,
pero sino ang makaririnig sa akin?

Wala kang pulbos ngayon, walang lipistik.
Mahigpit ang hawak sa punyal.

Mahina kang umimik, "Dito na magwawakas."