Friday, December 25, 2009

(Merong dugo sa ulap, isang gabi)

Paeng Ferrer
Pasko 2009

Merong dugo sa ulap, isang gabi,
nang magising ako sa bubong
ng abandonandong gusali.
Agad kong nilagpasan ang mga tanong
na bakit ako nandito?
Saang lugar ako tutungo?
Dahil walang dahilan
maski magpunta ako sa iba.

Nanghihimok ang buwan
sa likod ng ulap.
Kailan ko ba huling naalala ang buwan?
O ang mga pangarap ko?
Walang tao sa kalsada.
Sa malayo’y mahihinang yabag
at halakhak. Maya-maya’y wala na.
Wala akong baon
at simpleng damit lamang ang suot.
May halumigmig sa paghinga.
Mabilis ang kilos ng relos.
Ito ang samyo ng ‘di mahabol
na oras, minuto, segundo.
Ito ang samyo ng populasyon,
ng tuberkulosis, at pneumonia.

Manhid kong minasdan ang paligid.
Wala akong maalala
at walang balak gawin.
Wala akong kalaban.
Wala akong ipinaglalaban.

Alipin ako ng syudad,
ng populasyon, ng tuberkulosis,
at pneumonia.
Paano ko ba paghahaluin ang ideya
na ‘di mangingibabaw
ang talambuhay ko?
Pero mahalaga pa rin ako?
Tulad ng buwang maliit
na parte ng kalawakan
subalit anong laki sa mata ko.***